Pansamantalang nawalan ng suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Santiago City matapos masunog ang isang poste ng kuryente sa Purok 7, Barangay Rosario, nitong umaga ng Agosto 5.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago, natanggap ang ulat hinggil sa insidente dakong alas-5:35 ng umaga. Agad namang rumesponde ang mga bumbero at idineklarang fire out ang sunog pagsapit ng alas-5:37 ng umaga.
Sa paunang imbestigasyon ng BFP, isa sa mga tinitingnang posibleng sanhi ng insidente ay ang pagputok o pagkasira ng isang internet router o communication equipment na nakakabit sa naturang poste.
Ayon sa mga awtoridad, marami ring linya at cable ng iba’t ibang internet service providers ang nakakabit sa poste na maaaring naging dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog.











