--Ads--

Matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang naidulot ng pagkakasabit ng isang truck sa mga kable na nagresulta sa pagkatumba ng poste sa Barangay San Fermin, Cauayan City, pasado alas-7 ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Harold Antonio, driver ng truck, sinabi nitong maayos naman ang kanilang naging biyahe patungong Barangay Minante Dos.

Gayunman, sa kanilang pagbabalik patungong poblacion upang magtungo sa kanilang bodega sa Luna, Isabela, hindi umano niya napansin ang mababang pagkakabit ng mga kable sa naturang bahagi ng kalsada.

Dahil dito, sumabit ang mga kable sa truck at nahila hanggang sa matumba ang isang poste.

--Ads--

Ayon kay Antonio, dalawang taon na siyang nagmamaneho ng truck, subalit ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong insidente.

Nadamay rin sa insidente ang isang tricycle matapos matumba ang poste, na nagdulot ng mga galos sa driver, sa pasahero nito at pinsala sa naturang tricycle.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot.