--Ads--

Nakaalerto na ang buong Okinawa, Japan habang papalapit ang Typhoon Dolphin na inaasahang isa sa pinakamalalakas na bagyong direktang tatama sa pangunahing isla sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez sa Japan, sinabi nitong ang Typhoon Dolphin ang ikasiyam na bagyong direktang tatama sa main island ng Okinawa mula nang magsimulang magtala ang Japan Meteorological Agency noong 1951. Aniya, huling nakaranas ang lugar ng ganito kalakas na bagyo noong 2004.

Ayon kay Galvez, umabot na sa 155 kilometers per hour ang lakas ng hangin habang inaasahan din ang matinding pag-ulan, matataas na alon at posibleng malawakang pagkawala ng kuryente. Dahil dito, pinayuhan na ang libu-libong residenteng nakatira malapit sa baybayin na lumikas at tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan.

Isinara na rin ang Naha Airport at nakansela ang mahigit 500 flights, kabilang ang mga biyahe mula sa iba’t ibang bahagi ng Japan patungong Okinawa. Posible rin aniyang maapektuhan ang ilang international flights, kabilang ang mga rutang dumaraan sa Okinawa patungong Pilipinas.

--Ads--

Patuloy namang pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan, maghanda ng emergency kits na may pagkain, tubig at ilaw, at subaybayan ang mga abiso ng Japan Meteorological Agency at ng lokal na pamahalaan habang papalapit ang bagyo.

Bagama’t inaasahang sa weekend mararanasan ang pinakamalakas na epekto ng Typhoon Dolphin, sinabi ni Galvez na nananatiling nakaalerto ang pambansa at lokal na pamahalaan ng Japan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mabawasan ang pinsalang maaaring idulot ng bagyo.