Ipinakita ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio ang ilang proyektong pinaghihinalaan niyang “ghost projects” o hindi naipatupad o hindi nagagamit sa kabila ng pondong inilaan mula sa tobacco excise tax.
Kabilang dito ang umano’y Lagoon Park sa tapat ng munisipyo na ayon sa kaniya ay nagkakahalaga ng ₱30 milyon, gayundin ang farm-to-market road. Itinampok din niya ang transport terminal na hindi pa raw operational, coliseum, public market na aniya’y kaunti lamang ang mga umuupa sa likurang bahagi, at isang tulay na umano’y may sira ngunit hindi pa naaayos.
Nag-ugat ang usapin sa talakayan ng Sangguniang Bayan tungkol sa paggamit ng pondong mula sa tobacco excise tax, na nakalaan para sa mga programang makikinabang ang mga magsasaka ng tabako. Sa naunang sesyon, kinuwestiyon din ni Respicio ang isang barangay health station sa Banquero na may nakalaang humigit-kumulang ₱5 milyon at ayon sa kaniya ay hindi pa nasisimulan.
Samantala, hinamon ni PCO Undersecretary Claire Castro si Respicio na isumite sa Office of the Ombudsman o Department of Justice ang mga ebidensiya kung may batayan ang kaniyang mga alegasyon. Binigyang-diin ni Castro na kailangang patunayan ang mga paratang upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa iregularidad.
Wala pa namang nagpapatunay na ghost projects ang lahat ng proyektong itinampok ni Respicio. Kinakailangan pa ring ma-verify ang kanilang aktuwal na estado, pondo at mga dokumento ng pagpapatupad.











