--Ads--

Inihayag ng Philippine Ambassador to the United States na si Jose Manuel Romualdez na nais ng Estados Unidos na agad maresolba ng Pilipinas ang kahilingan nitong ipa-extradite sa Amerika ang founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Romualdez, naipasa na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Justice (DOJ) ang pormal na extradition request kaya nasa kamay na ngayon ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pagpapasya kaugnay nito.

Sinabi niya na natural lamang na nais ng Estados Unidos na maisakatuparan ang extradition dahil itinuturing itong transnational crime. Gayunman, binigyang-diin niyang kailangang maging maingat ang Pilipinas sa paghawak sa usapin at timbangin ang mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na masusing rerepasuhin ng DOJ ang kahilingan batay sa extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos, mga umiiral na batas, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga nakabinbing kaso ni Quiboloy sa bansa.

--Ads--

Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail matapos maaresto noong 2024 at nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa child abuse at qualified human trafficking. Kinasuhan din siya sa Estados Unidos ng sex trafficking at kabilang sa Most Wanted list ng Federal Bureau of Investigation o FBI.

Ayon sa DOJ, bibigyan nila ng prayoridad ang pag-aaral sa extradition request at ipapaalam sa publiko ang magiging desisyon sa sandaling matapos ang kanilang pagsusuri.