Muling humarap sa publiko si Kris Aquino matapos ang ilang taong hindi pagiging aktibo sa showbiz.
Ipinakilala ng isang streaming platform si Aquino bilang kanilang bagong C.H.I.K.A. o Chief Head of Insights and Kontent Analysis sa isang promotional video na inilabas nitong Agosto 7.
Sa naturang video, makikitang nagbibigay si Aquino ng kanyang mga obserbasyon at mungkahi sa ilang lokal na seryeng napapanood sa platform.
Tampok sa kampanya ang mga eksena mula sa mga seryeng A Secret in Prague, Blood vs. Duty, at The Master Cutter, na nilagyan ng iba’t ibang visual effects at editing style batay sa mga suhestiyon ni Aquino.
Ayon sa platform, magdadala si Aquino ng kanyang natatanging pananaw at personality sa kanilang mga lokal na palabas bilang bahagi ng kampanya.
Marami namang netizen at fans ang nagpahayag ng kasiyahan sa muling paglabas ni Aquino sa harap ng kamera matapos siyang pansamantalang lumayo sa industriya upang bigyang-priyoridad ang kanyang kalusugan.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag kung mauuwi ang naturang kolaborasyon sa iba pang proyekto ni Aquino sa Netflix bukod sa kasalukuyang kampanya.








