Nagpahayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magdaragdag ito ng dalawa pang trash skimmer upang mapabilis ang paglilinis at paghakot ng tone-toneladang basura na naipon sa creek sa harap ng Baclaran Church sa Parañaque City.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, isa pa lamang sa kasalukuyan ang ginagamit na trash skimmer—isang makinang dinisenyo para mangolekta ng mga lumulutang na basura sa mga katubigan—kaya plano nilang dagdagan ito upang mapabilis ang operasyon.
Aniya, kinakailangan ang karagdagang kagamitan dahil sa dami ng mga basurang inanod sa lugar bunsod ng high tide.
Patuloy rin ang manual clean-up operations ng MMDA katuwang ang lokal na pamahalaan ng Parañaque upang tuluyang malinis ang naturang creek.
Samantala, suportado ni Torre ang panukalang taasan ang multa laban sa mga taong mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan. Nanawagan din siya sa publiko na makiisa sa wastong pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig at pag-ulit ng kahalintulad na sitwasyon.
Batay sa tala ng Parañaque LGU, umabot na sa 72 truckload ng basura ang nahakot mula sa nasabing lugar.











