--Ads--

Iginiit ng Malacañang ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng waste-to-energy program upang matugunan ang problema sa ilegal na pagtatapon ng basura na nagiging sanhi ng pagbabara sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig sa bansa.

Ito ay matapos ihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na malaking hamon ang tambak na basura sa mga waterways na nagdudulot ng matinding pagbaha sa iba’t ibang lugar.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, agad na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na tugunan ang lumalalang suliranin sa basura.

Sinabi ni Castro na nais ng Pangulo na mapabilis ang pagpapatupad ng waste-to-energy program upang magamit ang mga basura sa paglikha ng enerhiya sa halip na mauwi ang mga ito sa mga estero, ilog at iba pang daluyan ng tubig.

--Ads--

Samantala, personal na binisita ng Pangulo nitong Miyerkules ang clearing at waste collection operations sa Diokno Pumping Station at Baclaran River malapit sa LRT Redemptorist Station sa Parañaque City upang inspeksyunin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa pagbaha at problema sa basura.