--Ads--

Aabot sa 8,000 paaralan sa buong bansa ang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at Southwest Monsoon o Habagat, na nakagambala sa pag-aaral ng tinatayang anim na milyong estudyante.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa ang mga bagyong Luis at Maymay, kasama ang pinalakas na Habagat.

Sinabi ni Angara na katumbas ito ng humigit-kumulang isang-lima ng kabuuang bilang ng mga paaralan sa bansa. Gayunman, maaari pang madagdagan ang bilang dahil hindi pa kumpleto ang mga ulat na natatanggap ng Department of Education.

Tiniyak naman ni Angara na nakapaloob sa bagong three-term academic calendar ang panahon para mabawi ang mga araw na nawala dahil sa suspensyon ng klase.

--Ads--

Samantala, batay sa pinakahuling situational report ng DepEd, 217 paaralan pa rin ang ginagamit bilang evacuation centers para sa mahigit 6,400 pamilya.

Nasa P32.69 milyon ang tinatayang kailangan para sa paglilinis at clearing operations sa 1,157 paaralan, habang P192.86 milyon naman ang kinakailangan para sa pagkukumpuni ng 3,936 paaralan.

Pinakamaraming naapektuhang paaralan ang naitala sa Ilocos Region, sinundan ng Central Luzon at Cordillera Administrative Region.