--Ads--


Kinondena ng caretaker ng isang gusali sa Brgy. District 1, Cauayan City ang patuloy na pagtatambak ng basura ng ilang mga indibidwal sa kaniyang nasasakupan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romeo Butac, caretaker ng isang gusali sa lugar, sinabi nito na ilang signage na ang inilagay upang pagbawalan ang publiko sa pagtatapon ng basura at iba pang paglabag sa labas ng gusaling kaniyang pinagtatrabahuhan subalit patuloy pa rin umanong may mga taong hindi sumusunod.

Ayon kay Butac, halos araw-araw nilang nararanasan ang problema dahil basta na lamang iniiwan ang iba’t ibang uri ng basura sa paligid ng bakanteng gusali at gilid ng kalsada na nagdudulot ng maruming kapaligiran at hindi kaaya-ayang amoy.

Dagdag pa niya, may mga nakikita silang indibidwal, kabilang ang ilang sakay ng motorsiklo, na nagtatapon ng basura sa naturang lugar.

--Ads--

Dahil dito, umaapela si Butac sa mga kinauukulan na magsagawa ng mas mahigpit na hakbang upang matigil ang paulit-ulit na pagtatapon ng basura sa lugar.

Samantala, sinabi ni Punong Barangay Marc De Joya ng District 1 na agad nilang inaksyunan ang reklamo nang muling mapuno ng basura ang lugar.

Gayunman, binigyang-diin ni De Joya na mayroon nang garbage bin sa lugar at regular ding kinokolekta ng pamahalaang lungsod ang mga basura.

Aniya, nagpadala rin ang barangay ng mga street sweeper nang unang matanggap ang reklamo ngunit bumalik pa rin ang problema matapos ang paglilinis.

Dahil dito, nananawagan ang barangay sa mga residente at maging sa mga dumaraan sa lugar na maging responsable sa pagtatapon ng basura at gamitin nang wasto ang mga inilagay na pasilidad.

Binigyang-diin ni De Joya na hindi magiging sapat ang paulit-ulit na paglilinis kung patuloy namang may mga taong magtatapon ng basura sa lugar, kaya mahalaga ang pakikiisa at disiplina ng publiko upang mapanatili ang kalinisan sa komunidad.