--Ads--

Nanatiling suspendido ang pagpapatupad ng P85 na dagdag sa arawang minimum wage sa National Capital Region (NCR) matapos maglabas ng writ of preliminary injunction ang Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 152 ngayong Huwebes, Agosto 13.

Sa 14-pahinang kautusan ni Presiding Judge Marie Joyce Manongsong, ipinag-utos ng korte ang pagpapatuloy ng suspensiyon sa implementasyon ng NCR Wage Order No. 27 habang dinidinig at pinagpapasyahan ang petisyong inihain ng dalawang construction company.

Pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders na pansamantalang ipahinto ang pagpapatupad ng wage increase habang tinutukoy ang merito ng kanilang petition for declaratory relief na inihain noong Hulyo 23.

Matatandaang naglabas na rin ang Pasig RTC ng Temporary Restraining Order (TRO) noong Hulyo 30 laban sa wage hike, na nagtapos ang bisa ngayong Agosto 13.

--Ads--

Dahil sa bagong writ of preliminary injunction, mananatiling nakabinbin ang implementasyon ng wage order hanggang sa makapaglabas ng pinal na desisyon ang korte sa naturang petisyon.

Sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27, nakatakda sanang ipatupad ang unang tranche na P60 dagdag-sahod noong Hulyo 25, na susundan ng karagdagang P25 sa Enero 20, 2027, para sa kabuuang P85 na pagtaas sa minimum wage sa Metro Manila.