Minaliit ng economic think tank na IBON Foundation ang ipatutupad na dagdag-sahod na P85 kada araw para sa mga manggagawa sa National Capital Region o NCR.
Batay sa wage order, ipatutupad ang salary increase sa dalawang yugto — P60 kada araw simula Hulyo 19, 2026 at karagdagang P25 kada araw pagsapit ng Enero 2027.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niyang bagama’t may maitutulong ang dagdag-sahod sa mga manggagawa, nananatili itong malayo sa tinatayang P1,289 na family living wage sa NCR.
Ayon kay Africa, kahit ipagkaloob pa nang isang bagsakan ang buong P85 na umento, hindi pa rin nito matutugunan ang aktuwal na pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino. Aniya, mananatiling kulang ng mahigit P500 ang kasalukuyang minimum wage kumpara sa family living wage na kinakailangan upang matustusan ang pagkain, pabahay, edukasyon, transportasyon, at iba pang pangunahing gastusin ng isang pamilya.
Iginiit pa ng IBON Foundation na matagal nang hindi nakasasabay ang minimum wage sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Dahil dito, nanawagan ang grupo para sa mas malaking umento sa sahod upang mabigyan ng sapat na kita ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.
Pinabulaanan din ni Africa ang pahayag ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP na maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ang mas malaking dagdag-sahod dahil ipapasa umano ito ng mga negosyo sa mga mamimili.
Ayon sa kanya, hindi kinakailangang ipasa sa publiko ang dagdag na gastos sa paggawa. Aniya, maaari itong tugunan ng mga negosyo sa pamamagitan ng bahagyang pagbawas sa kanilang tubo o kita sa halip na agad na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo.
Nauna namang nagpahayag ang ECOP ng pangamba na ang malalaking wage adjustment ay maaaring magdulot ng dagdag na pasanin sa mga negosyo, partikular sa maliliit na kumpanya, at posibleng makaapekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa ngayon, hinihintay ng mga manggagawa ang ganap na pagpapatupad ng wage increase habang patuloy ang panawagan ng iba’t ibang labor group para sa mas mataas na sahod na anila’y higit na naaayon sa kasalukuyang halaga ng pamumuhay.











