--Ads--

Idinulog sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang problema sa late o nahuhuling pamamahagi ng pamahalaan ng farm inputs sa mga magsasaka.

Ayon sa isang magsasaka mula sa Benito Soliven, Isabela, may mga pagkakataong saka lamang naipamamahagi sa kanilang lugar ang libreng binhi mula sa Department of Agriculture o DA, kapag nakabili na ang mga magsasaka ng sarili nilang farm inputs.

Paliwanag ni Engr. Edmundo Gauiran, Municipal Agriculture Officer ng Benito Soliven, hindi kontrolado ng kanilang tanggapan ang pagdating ng mga farm inputs dahil nakadepende ito sa supplier.

Ayon naman kay Isabela Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy, naipatawag na noon ang DA Region 2 kaugnay sa kaparehong reklamo. Nangako umano ang ahensya na bago magsimula ang cropping season ay nakahanda na ang lahat ng farm inputs at mayroon nang napagkasunduang petsa para sa pamamahagi ng mga ito.

--Ads--

Giit ni Engr. Gauiran, hindi umano nasunod ng DA ang napagkasunduang schedule.

Ngayong Oktubre, mas maagang magsisimula ang cropping season dahil sa pangambang epekto ng Super El Niño, ngunit hanggang ngayon ay nagsisimula pa lamang umano ang ahensya sa pamamahagi ng farm inputs.

Aniya, palagi namang napag-uusapan ang naturang problema sa mga pagpupulong ng mga Municipal Agriculturist at DA, kung saan ipinapaliwanag na nagkakaroon minsan ng delay dahil sa procurement process.

Nagkakaroon din umano ng aberya sa mga dealer kaya hindi nasusunod ang mga itinakdang petsa ng pamamahagi.

Dahil paulit-ulit na umano itong nararanasan tuwing cropping season, nagsumite na ang League of Municipal Agriculturists ng resolution sa DA at kay House Speaker Bojie Dy na sa halip na libreng binhi, i-convert na lamang ito sa cash assistance na direktang ide-deposito sa bank account ng mga magsasaka.

Sa ganitong paraan, ang mga magsasaka na mismo umano ang bibili ng kinakailangan nilang farm inputs at maiiwasan ang delay sa pamamahagi.

Dahil dito, hiniling ni Vice Governor Dy sa mga opisyal na magsumite ng formal complaint upang maimbestigahan ang naturang problema at mapatawag ang DA para magpaliwanag.

Kung mapatutunayang mga dealer ang sanhi ng delay, sinabi ni Dy na dapat ding mapanagot ang mga supplier kung hindi nila maayos na natutupad ang kanilang obligasyon.