--Ads--

Itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang alegasyon ni Caloocan Rep. Edgar Erice na pagbabanta umano ng “zero budget” para sa mga proyekto sa kanyang distrito dahil sa pulitika.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, personal niyang nakausap si Dizon upang kumpirmahin ang pahayag ni Erice sa isang panayam sa telebisyon.

Sinabi ni Castro na pinabulaanan ng kalihim ang alegasyon at iginiit na hindi niya nakausap si Erice tungkol sa naturang usapin.

Nauna nang sinabi ni Erice na umano’y nagbanta si Dizon na hindi pagkakalooban ng pondo para sa mga imprastrakturang proyekto ang kanyang distrito dahil itinuturing siyang kritiko ng administrasyon.

--Ads--

Samantala, iginiit ng Malacañang na walang basehan ang mga pahayag ng mambabatas at hindi ito makasisira sa pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi natatakot ang administrasyon sa anumang puna o kritisismo basta ito ay nakabatay sa katotohanan.