Patuloy ang rescue at relief operations sa Indonesia matapos ang magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Flores, East Nusa Tenggara noong Agosto 15, na itinuturing na pinakamalakas na lindol na naitala sa lugar.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Lyn Dolor sa Jakarta, Indonesia, umakyat na sa 53 ang nasawi, habang 137 naman ang sugatan.
Aniya, umabot na rin sa 9,290 ang mga inilikas, habang patuloy ang paghahanap at pagtulong sa mga residente sa mga liblib na lugar na mahirap maabot dahil sa landslide, pagkawala ng kuryente at problema sa komunikasyon.
Samantala, tuloy-tuloy ang pagpapadala ng ayuda ng pamahalaan na kinabibilangan ng tinatayang 4.5 bilyong halaga ng food supplies, kabilang ang 6,000 ready-to-eat meal packages, 1,624 food portions para sa mga bata, 600 family kits, roll-up tents, mattresses, 233 field beds, 93 family tents at 24 multipurpose tents. Nagpadala rin ng mga damit, kitchen equipment, public kitchen supplies at worship kits, na isinama dahil marami sa mga residente sa lugar ay Katoliko.
Nag-deploy naman ang Indonesian government ng 1,267 tauhan ng militar, kasama ang mga barko, helicopter at heavy equipment para sa rescue at paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan. Pansamantala ring ginagamit ang Telkom para sa komunikasyon, habang nagsasagawa ng restoration work ang PLN upang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Bukod sa rescue at relief operations, nakatutok na rin ang pamahalaan sa pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura at tuloy-tuloy na restoration ng kuryente at komunikasyon upang unti-unting maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente.
Sa ngayon, wala namang naiulat na Pilipino na kabilang sa mga nasawi o nasugatan sa insidente.










