Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang suspek sa umano’y ilegal na “paihi” o paglilipat ng petroleum products sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Isinagawa ng CIDG Isabela Provincial Field Unit ang operasyon alas-8:10 ng umaga noong Agosto 17, 2026, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang lalaki at isang babae, kapwa nasa hustong gulang.
Nakumpiska sa operasyon ang isang improvised fuel tanker truck at isang van na naglalaman umano ng diesel fuel. Tinatayang nasa ₱1.518 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya.
Ayon sa CIDG, nahuli ang dalawang suspek habang nagsasagawa umano ng “paihi,” o iligal na paglilipat ng petroleum products mula sa fuel tanker patungo sa van nang walang kaukulang permit o awtorisasyon mula sa Department of Energy o DOE.
Binigyang-diin ng CIDG na ipinagbabawal sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 ang pagbebenta o pamamahagi ng petroleum products para sa tubo nang walang kinakailangang lisensya o awtorisasyon.
Samantala, patuloy ang CIDG sa kampanya laban sa ilegal na pangangalakal, pagtatago o pagho-hoard, at pagsasamantala sa presyo ng petroleum products.











