Nasawi ang pitong katao, kabilang ang limang Amerikano at ang director-general ng intelligence agency ng Ecuador, matapos bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa Mount Ololokwe sa central Kenya nitong Miyerkules.
Ayon sa Kenya Civil Aviation Authority, pitong katao ang sakay ng aircraft nang mangyari ang insidente. Kinumpirma rin ng pulisya sa Samburu County na walang nakaligtas sa crash.
Sakay umano ng helicopter ang mga bisita ng luxury tour agency na &Beyond. Ayon sa operator na Lady Lori Helicopters, hindi pa tukoy ang sanhi ng pagbagsak.
Kabilang sa mga nasawi sina Michele Sensi-Contugi, director-general ng intelligence agency ng Ecuador, at ang kanyang asawang fashion designer na si Stephany Sensi. Nasawi rin umano ang executive ng Spanish-language television company na Telemundo na si José Suárez.
Ayon sa U.S. State Department, lima sa mga nasawi ay mga Amerikano. Patuloy naman ang imbestigasyon ng Kenya Transport Ministry sa sanhi ng aksidente.











