Muling tumaas ng ₱1.53 kada kilowatt-hour ang power rate ng ISELCO 1 ngayong Agosto, mula ₱11.12 kada kWh noong Hulyo, naging ₱12.65 kada kWh.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Agsunod, Supervisor ng Cooperative Communication and Social Marketing Office ng ISELCO 1, sinabi niyang pangunahing dahilan ng pagtaas ang higher generation charge, partikular ang epekto ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.
Ayon kay Agsunod, tumaas ng ₱0.94 kada kWh ang generation mix rate, mula ₱6.02 noong Hulyo, naging ₱6.96 kada kWh ngayong Agosto.
Dagdag pa niya, nakaapekto rin sa August power rate ang natitirang obligasyon sa WESM mula noong nakaraang buwan, matapos payagan ang kooperatiba ng Energy Regulatory Commission na i-stagger ang pagbabayad sa WESM bill.
Ngayong Agosto, sinabi niyang 75 porsiyento muna ng WESM bill ang babayaran ng ISELCO 1, habang ang natitirang 25 porsiyento ay babayaran sa loob ng susunod na apat na buwan.
Tumaas din umano ang transmission charges, partikular ang ancillary services o standby supply na kinakailangan sakaling magkaroon ng problema sa power supply o biglaang pagtaas ng demand.
Samantala, sinabi ni Agsunod na mararamdaman na agad sa August billing ang bagong power rate na ₱12.65 kada kWh. Halimbawa, kung pareho ang konsumo na 100 kWh, nasa ₱153 ang dagdag sa bahagi ng bill na nakabatay sa power rate, bagama’t maaari pang maapektuhan ng iba pang charges at local taxes ang kabuuang halaga ng bill.
Sa kabila nito, inaasahang maaaring bumaba ang electricity consumption sa mga susunod na buwan habang lumalamig ang panahon, dahil mas kaunti umano ang paggamit ng air-conditioning at iba pang appliances.
Patuloy naman ang panawagan ng ISELCO 1 sa mga consumer na maging matipid sa paggamit ng kuryente upang makatulong na mapababa ang kanilang buwanang konsumo at bayarin.










