--Ads--

Pinatawan ng FIFA ng pinagsamang 21-game suspension ang mga manlalaro at staff ng Argentina dahil sa rambol na sumiklab matapos ang kanilang 1-0 overtime loss sa Spain sa 2026 World Cup final noong Hulyo 19.

Pinakamabigat ang parusa kay Leandro Paredes, na sinuspinde ng 10 laro at pinagmulta ng $90,000 matapos atakihin sa leeg ni Spanish defender Eric García at itulak sa lupa si Gavi.

Samantala, pitong laro ang suspension kay Nahuel Molina, matapos namang saktan si Spanish captain Rodri. Pinagmulta rin siya ng $90,000.

Isang laro naman ang suspension kay Thiago Almada dahil sa unsporting behavior, habang tatlong laro ang ipinataw kay Argentina assistant coach Roberto Ayala dahil sa assault incident.

--Ads--

Maging si Gavi ng Spain ay sinuspinde ng isang laro dahil sa unsporting behavior.

Nagsimula ang gulo matapos ang final whistle nang magharap ang ilang manlalaro ng dalawang koponan. Nauwi ito sa pisikal na komprontasyon habang ipinagdiriwang ng Spain ang kanilang panalo at world championship.

Bukod sa mga suspension, pinagmulta rin ng FIFA ng $321,000 ang Argentine Football Association (AFA) dahil sa ilang paglabag, kabilang ang pagpapakita ng political banner tungkol sa Falkland Islands at discriminatory behavior ng ilang fans. Inatasan din ang Argentina na limitahan sa 50% ang capacity ng kanilang home stadium para sa susunod na dalawang laban, bagama’t may bahagi ng sanction na suspended.

Ayon sa FIFA, nagsimula ang disciplinary proceedings matapos ang imbestigasyon sa insidente sa final at iba pang paglabag na kinasasangkutan ng Argentine team.