Muling nag paalala si Vice Governor Kiko Dy kaugnay sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng Provincial Government ng Isabela para sa mga kababayang nangangailangan ng medical, gamot, at burial assistance, kahit Sabado, Linggo at holidays.
Sa kaniyang post sa social media kaniyang inihayag na bukas ang Balay Echague 24/7 , para sa mga nangangailangan ng agarang tulong pinansyal para sa pagpapagamot, pambili ng gamot o gastusin sa pagpapalibing.
Maaari ring lumapit sa Kapitolyo sa Ilagan mula Lunes hanggang Miyerkules, habang bukas naman ang tanggapan ni Speaker Bojie D. sa Cauayan City mula Lunes hanggang Biyernes.
Para sa medical assistance, kabilang sa mga kailangang ihanda ang final hospital bill, medical abstract o medical certificate, certificate of eligibility mula sa hospital social worker, barangay indigency certificate, case study mula sa MSWD, at valid ID.
Para naman sa tulong pambili ng gamot, kinakailangan ang reseta mula sa doktor, barangay indigency certificate, case study mula sa MSWD at valid ID.
Sa burial assistance, kailangan ang case study mula sa social worker, death certificate, funeral service contract mula sa punerarya, barangay indigency certificate at valid ID.
Ipinaliwanag niya na ang mga dokumentong ito ay bahagi ng verification at reporting process upang matiyak na tama at maayos ang pagbibigay ng ayuda.
Binigyang-diin din niya na hindi loan o utang ang assistance ang naturang mga serbisyo dahil dito, ito maaaring i-reimburse para ipambayad sa perang inutang o nagastos na para sa pagpapagamot o pagpapalibing.
Kaya naman hinihikayat niya ang mga Isabeleño na unang lumapit sa tanggapan ng pamahalaan bago mangutang, upang agad na malaman kung maaari silang mabigyan ng kaukulang tulong.











