Isang hinihinalang lumang pampasabog na inilarawan bilang rifle grenade ang natagpuan sa isang bahagi ng ilog sa Barangay Minante 1, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Ian Aggabao, ang nakakita sa naturang bagay, una niyang napansin ang isang itim na PVC container na may takip at nakalubog sa mababaw na bahagi ng ilog.
Aniya, una niyang inakala na ordinaryong plastic lamang ang kanyang nakita. Nang tingnan at buksan niya ito, saka niya napansin na may laman itong bagay na kahawig ng rifle grenade.
Matapos niyang mapansin ang naturang bagay, agad niya itong ini-report sa pulisya.
Batay sa salaysay ni Aggabao, tila matagal nang nakababad sa tubig ang naturang container at hindi na bago ang laman nito.
Samantala, pinaalalahanan ang publiko na huwag hahawak, magbubuhat, maglilipat o magtatangkang suriin ang anumang kahina-hinalang bagay na maaaring naglalaman ng pampasabog.
Sa halip, agad itong i-report sa pulisya o iba pang awtoridad upang sila ang magsagawa ng kinakailangang pag-iingat at pagresponde.











