--Ads--

Apat na ang kumpirmadong nasawi, kabilang ang isang 85-anyos na babae at tatlong bata, matapos ang pagsabog ng hinihinalang rifle grenade sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela dakong alas-9:00 ng umaga nitong Oktubre 4.

Kinilala ang mga nasawi na sina Gloria Jabonitalla, 85-anyos, at apat na menor de edad.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Roxas Municipal Police Station, naglalaro umano ang ilang bata sa lugar nang mapulot nila sa isang kanal ang hinihinalang pampasabog. Ayon sa isang batang saksi, pinupukpok umano ng isa sa mga bata ang naturang bagay sa isang bato nang bigla itong sumabog.

Batay naman sa ilang saksi, nagtutungo lamang sana sa simbahan si Jabonitalla nang madamay sa insidente.

--Ads--

Sugatan naman ang apat pang menor de edad na agad na naisugod sa pagamutan at kasalukuyang nasa maayos nang kondisyon.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Roxas Municipal Police Station habang nagsagawa naman ng scene processing ang Roxas-Mallig Plains Satellite Forensic Office at post-blast investigation ang Provincial EOD and Canine Unit.

Nakipag-ugnayan na rin ang Women and Children Protection Desk sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Roxas upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan at kung paano napunta sa lugar ang hinihinalang rifle grenade na sangkot sa insidente.