Nagpapaabot ng tulong ang pamahalaang lokal ng Roxas sa mga biktima ng pagsabog ng isang hinihinalang rifle grenade sa Sinamar, Roxas, Isabela nitong Oktubre 4.
Matatandaan na apat na katao ang nasawi at apat din ang nasugatan matapos umanong pukpukin ng bato ng isang bata ang napulot nilang pampasabog sa isang kanal.
Sa nagging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roxas Mayor Benedict Calderon, sinabi nito na tiniyak nito na lahat ng tulong na maaaring maipaabot sa mga biktima ay ibinibigay ng munisipyo kabilang na rito ang burial at cash assistance.
Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring inoobserbahan sa pagamutan ang mga nasugatan. Tatlo sa mga ito ay nasa stable nang kalagayan habang ang isa ay nangangailangan ng mas extensive na medical attention.
Ayon kay Calderon, palaisipan pa rin sa kanila kung paano napunta sa kanal ang naturang pampasabog. Gayunman, ibinahagi nito na noong late 80’s, ang barangay Sinamar ay daanan umano ng mga militar para sa kanilang operasyon.
Dahil marami umanong CAFGU noon sa lugar, may hinala ang alkalde na maaaring naibigay noon sa mga ito ang naturang pampasabog at kalaunan ay naiwan o itinago, hanggang sa aksidenteng makita ito ng mga bata.
Batay sa unang pagsisiyasat, lumalabas na napulot umano sa ilalim ng kanal ang pampasabog at nahukay lamang. Ngunit hindi kumbinsido si Calderon sa naturang posibilidad, dahil maaari umanong nakuha ito ng mga bata sa kanilang bahay at napaglaruan.
Ayon pa sa alkalde, bagong semento umano ang kanal kung saan sinasabing natagpuan ang pampasabog at mababaw lamang ang tubig dito.
Dahil dito, nanawagan si Calderon para sa mas malawak na information at awareness campaign sa publiko, lalo na sa mga bata, upang maiwasan ang paglalaro o paghawak sa anumang hinihinalang pampasabog na kanilang makita.
Samantala, nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa social services upang mabigyan ng tamang assessment at kinakailangang suporta ang mga batang nakasaksi o naapektuhan ng insidente, na maaaring nakaranas ng trauma.











