Siniguro ng ilang Opisyal ng Barangay Tagaran ang maayos at transparent na paggamit ng ₱200,000 pondong inilaan sa bawat barangay sa ilalim ng programang Bawat Barangay Makikinabang ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na kalahati o ₱100,000 ng kanilang natanggap na pondo ay inilaan para sa limang graduating college students na kwalipikadong makatanggap ng tig-₱20,000 educational assistance.
Samantala, ang natitirang ₱100,000 ay inilaan para sa mga kagamitan ng barangay, partikular na ang karagdagang tents at mga upuan na ginagamit sa iba’t ibang aktibidad at pagtitipon ng mga residente.
Paliwanag ni Kagawad Acob, kabilang sa kanilang prayoridad ang pagpapalit at pagdagdag ng tents dahil sa tatlong nauna nilang tents, isa na ang nasira at dalawa na lamang ang nagagamit.
Anya, madalas ding ginagamit ang mga upuan at tents kaya kinakailangan itong dagdagan upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Samantala, tiniyak ng opisyal na isinagawa sa pamamagitan ng mga pagpupulong ang pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto upang maipaalam sa mga residente ang bawat hakbang sa paggamit ng pondo.
Mariin din niyang itinanggi ang posibilidad ng “palakasan system” sa pagpili ng mga benepisyaryo ng educational assistance.
Ayon kay Acob, bago ipatupad ang programa ay sinuri muna ng mga barangay officials ang mga kwalipikadong aplikante.
Kung mayroong higit sa isang kwalipikadong estudyante mula sa isang purok, isinagawa umano ang bunutan upang maiwasan ang pagkiling.
Sinabi rin niyang kinakailangan ang certification mula sa paaralan upang mapatunayan na ang estudyante ay kasalukuyang naka-enroll at kabilang sa graduating o fourth-year students.
Aminado naman ang opisyal na may ilang residente ang nagtatanong kung bakit lima lamang ang maaaring makatanggap ng assistance.
Ipinaliwanag niya na nakabatay ito sa itinakdang guidelines ng programa at umaasa silang maaari pang magkaroon ng susunod na batch ng mga benepisyaryo.











