--Ads--

Magpapataw ang Canada ng ganting taripa sa ilang produktong mula Estados Unidos matapos magpatupad ang Washington ng 50 porsiyentong taripa sa tinatayang $20 bilyong halaga ng mga produktong Canadian.

Ayon kay Canadian Prime Minister Mark Carney, ipatutupad ang mga bagong taripa ng Canada simula Setyembre 8 at tatargetin ang mga industriya ng bakal, dairy products at electronics ng Estados Unidos, bukod sa iba pa.

Sinabi ni Carney na katumbas ng ipinatutupad ng Washington ang magiging halaga ng kanilang ganting taripa upang maprotektahan ang mga manggagawa, magsasaka, pamilya at negosyo sa Canada.

Kasunod ito ng pagkabigo ng ilang araw na negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa, na lalong nagpalala sa tensyon sa pagitan ng matagal nang magkaalyado at magkasosyo sa kalakalan.

--Ads--

Kabilang sa mga tinamaan ng bagong taripa ng Estados Unidos ang alak, muwebles, dairy products, semento, damit, fishing rods at hockey equipment.

Tinatayang 5.5 porsiyento ng exports ng Canada sa Estados Unidos ang saklaw ng bagong taripa.

Samantala, iginiit ni US President Donald Trump na matagal nang nagpapataw ang Canada ng mataas na taripa sa mga produktong pang-agrikultura mula Estados Unidos.

Umaasa naman si Carney na mapalakas ng Canada ang iba pang trade at military alliances upang mabawasan ang pagdepende sa Estados Unidos, na kasalukuyang bumibili ng halos 70 porsiyento ng exports ng Canada.