Timbog ang isang 51-anyos na kabilang sa target list ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos umanong makuhanan ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Purok 6, Sapang Palay, Barangay Mabini, Santiago City, Isabela, dakong alas-7:38 ng gabi nitong Agosto 23.
Ang suspek ay residente ng Santiago City.
Pinangunahan ng City Drug Enforcement Unit ng Santiago City Police Office–Police Station 4 ang operasyon, katuwang ang PDEA Quirino Provincial Office at iba pang operatiba.
Nakarekober sa operasyon ang isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 2.9 gramo at Standard Drug Price na ₱18,339.
Nakuha rin sa suspek ang buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱11,500, isang cellphone at iba pang ebidensyang may kaugnayan umano sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











