Arestado ang isang 40-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng caliber .38 revolver, dalawang bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa Barangay Annafunan, Tumauini, Isabela.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-5:45 ng hapon nitong Setyembre 20, 2026 ng mga tauhan ng Tumauini Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office.
Ang suspek ay may asawa, isang tricycle driver, tubong Minaulon, Bacolod, Lanao del Norte at kasalukuyang residente ng Barangay District 4, Tumauini, Isabela.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng intelligence monitoring at information-gathering activities ang mga operatiba sa naturang lugar nang mamataan ang suspek na umano’y nanggugulo at nagbabanta sa mga dumaraang tao.
Sa isinagawang pagmamanman, napansin ng mga operatiba ang nakausling bahagi ng isang bagay mula sa itim na belt bag ng suspek na pinaniniwalaang hawakan ng baril.
Nang lapitan at maayos na makausap ang suspek, nakumpirma na isang caliber .38 revolver ang naturang bagay.
Nang hingan ng kaukulang dokumento o lisensya para sa pagmamay-ari ng baril, hindi ito naipakita ng suspek kaya siya ay inaresto.
Bukod sa baril, nakumpiska rin mula sa kaniyang belt bag ang dalawang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, gayundin ang dalawang bala ng caliber .38.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Tumauini MPS para sa dokumentasyon, kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.











