--Ads--

Pabor ang isang Human rights lawyer sa pagdoble ng seguridad sa mga paaralan upang maiwasan ang mga insidente ng school shooting sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Human Rights Lawyer and Former President ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi nitong magandang proactive measure ang pagpapatupad ng mas mahigpit na security protocols sa mga paaralan upang maprotektahan ang mga mag-aaral.

Kabilang dito ang paggamit ng transparent bags upang mas madaling mamonitor ng mga security personnel ang mga dala ng estudyante bago makapasok sa campus.

Nilinaw ni Cayosa na maaaring magkaroon ng limitasyon sa right to privacy ng mga estudyante sa pagpapatupad ng naturang polisiya, ngunit maaari itong ituring na reasonable limitation dahil nakatuon ito sa public interest at sa pagpapanatili ng kaligtasan sa loob ng paaralan.

--Ads--

Maaari rin umanong tumanggi ang mga estudyante sa paggamit ng transparent bags, ngunit kung ipatutupad ito bilang school policy at hindi lumalabag sa batas o constitutional rights, maaari silang pumili ng ibang paaralan na walang ganitong polisiya.

Iginiit din ni Cayosa na hindi labag sa batas ang mandatory inspection ng mga bag bago makapasok sa paaralan, dahil isinasagawa na rin ang ganitong security measure sa mga paliparan, shopping malls at iba pang pampublikong lugar.

Samantala, binigyang-diin niya na hindi lamang seguridad ang kailangan upang maiwasan ang school shooting kundi maging ang tamang values formation ng mga kabataan, na dapat magsimula sa paaralan at tahanan.

Naniniwala rin si Cayosa na kailangang bantayan ang exposure ng mga kabataan sa mga video game at iba pang content na nagtatampok ng karahasan upang hindi maimpluwensiyahan o makondisyon ang kanilang pag-iisip sa violence.

Mahalaga rin aniya na hindi maging normal sa mga kabataan ang kultura ng karahasan dahil maaari nila itong gayahin o i-adopt.

Hinimok din ni Cayosa ang mahigpit na pananagutan sa mga may-ari ng baril kapag nagamit ang kanilang armas sa maling paraan, partikular kung nagkaroon ng kapabayaan sa tamang pag-iingat at safekeeping nito.