--Ads--

Kinuwestiyon ni Senate Presiding Office Francis Escudero si hostile witness Gina Acosta sa ika-17 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte hinggil sa papel ni Col. Raymund Lachica sa pamamahagi ng confidential funds.

Tinukoy ni Escudero ang mga acknowledgment receipt na nagpapakita ng mga bayad sa iba’t ibang lugar sa magkakaparehong petsa at tinanong kung sino ang aktuwal na nag-abot ng pera. Ayon kay Acosta, hindi niya ito matiyak dahil wala siya sa lugar at si Lachica ang nagsilbing implementor.

Iginiit ni Escudero na mahirap paniwalaang si Lachica lamang ang namahagi ng pondo sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa iisang araw at posibleng may iba pang taong tumulong na hindi nakatala sa mga rekord ng OVP.

Nauna ring binanggit ni Senador Vicente Sotto III na hindi maaaring ipasa ng isang Special Disbursing Officer ang awtoridad sa pamamahagi ng pondo. Tinanong din niya kung posible para sa isang tao na mapuntahan ang mahigit 100 lugar sa loob ng 11 araw, ngunit sinabi ni Acosta na hindi niya masasabi.

--Ads--

Samantala, nanindigan si Acosta na siya ang naglabas ng pondo kay Lachica at ito ang nagpatupad ng mga aktibidad. Nasa listahan ng mga testigo si Lachica, ngunit hindi pa tiyak kung kailan siya ihaharap ng prosekusyon.