Tinapos ng House of Representatives nitong Martes ang plenary deliberations sa panukalang P785.204-milyong budget ng Office of the Vice President o OVP para sa 2027 nang walang naging interpellation o tanong mula sa mga mambabatas.
Inaprubahan ang mosyon ni ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio na wakasan na ang interpellations matapos itong i-second ni Palawan 3rd District Representative Gil Acosta at walang tumutol sa plenaryo.
Mas mababa ng 11.7 porsyento ang panukalang budget ng OVP para sa 2027 kumpara sa P889.236 milyon na appropriated budget nito ngayong 2026. Ayon sa OVP, gagamitin ang pondo para ipagpatuloy ang pagbibigay ng assistance at iba pang serbisyo sa mga benepisyaryo sa buong bansa.
Kinatawan naman ni Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio ang OVP sa plenary deliberations.
Samantala, sinabi ni House Appropriations Vice Chairperson Jose Alvarez na hindi nakadalo si OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez matapos magsumite ng medical certificate. Ayon kay Alvarez, nasa emergency room umano si Lopez dahil sa respiratory infection.
Inihayag naman ni Alvarez na ang mabilis na pagtatapos ng deliberasyon ay walang kaugnayan sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte at nakatuon lamang sa panukalang budget ng OVP.










