Idineklarang hostile witness ng Senate impeachment court si Lemuel Ortonio, Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng Office of the Vice President o OVP, sa ika-18 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes.
Ginawa ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero ang ruling matapos umamin si Ortonio na nagtatrabaho pa rin siya sa OVP at maaari siyang mawalan ng trabaho sakaling ma-impeach at maalis sa puwesto si Duterte, dahil coterminous o nakadepende sa termino ng bise presidente ang kaniyang appointment.
Ayon kay Escudero, idineklarang hostile witness si Ortonio dahil sa kaniyang adverse interest o posibleng salungat na interes kaugnay ng respondent at ng prosecution.
Dahil dito, pinayagan ng impeachment court ang prosecution na magtanong kay Ortonio gamit ang leading questions.
Tinawag ng private prosecutor na si Atty. Mae Divinagracia si Ortonio sa witness stand para tumestigo kaugnay ng Article 1 ng impeachment case laban kay Duterte, na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Iniharap din ng prosecution ang testimonya ni Ortonio upang maging batayan sa pagdeklara sa kaniya bilang hostile witness at patunayan ang ilang punto sa kanilang kaso.
Kabilang dito ang alegasyon ng prosecution na may direktang kaugnayan umano si Duterte sa mga mahahalagang dokumentong sangkot sa usapin ng confidential funds.
Samantala, sinabi ng defense counsel na si Atty. Kristine Ferrer na ang mga binanggit ng prosecution ay pawang mga konklusyon sa mga usaping factual at legal na hindi pa napapatunayan sa impeachment court.
Iginiit din ng depensa na ang mga ito ay mga haka-haka, teorya at pahayag na hindi pa napatutunayan sa paglilitis.
Gayunman, sinabi ni Ferrer na isasailalim nila sa cross-examination si Ortonio upang mapatunayan o mapasinungalingan ang mga alegasyon ng prosecution.











