--Ads--

Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magtatatag ang kanyang tanggapan ng isang komite na tututok sa pagmomonitor sa budget ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Public Works and Highways o DPWH, at kung paano ginagamit ang pondo ng bayan.

Sa pagharap ni Remulla sa House Committee on Appropriations para ipagtanggol ang budget ng Office of the Ombudsman, sinabi niyang mahalagang matiyak na maayos at tama ang paggamit ng pondo ng gobyerno at naipatutupad nang maayos ang mga proyekto.

Ayon kay Remulla, magsisilbi ring sumbungan ng publiko ang bubuuing komite sakaling magkaroon ng iregularidad sa paggamit ng pondo o problema sa kalidad ng mga proyekto ng mga ahensya.

Sa ngayon, pangunahing mandato ng Office of the Ombudsman ang pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal na sangkot sa katiwalian.

--Ads--

Gayunman, iginiit ni Remulla na mahalaga ring magkaroon ng mekanismong magbabantay sa paggamit ng budget ng gobyerno, lalo na sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Layon umano nitong makatulong na maiwasan ang pag-abuso sa pondo ng bayan at mga substandard na proyekto, kasunod ng mga isyu ng umano’y katiwalian sa mga flood control project ng DPWH.