Tiniyak ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang operasyon ng Office of the President sa kabila ng 64 percent na pagbawas sa budget nito para sa susunod na taon.
Kasunod ito ng pag-endorso ng House Committee on Appropriations ng P10.15 bilyong budget para sa tanggapan ng Pangulo sa 2027.
Mas mababa ito ng 64 percent kumpara sa kasalukuyang P28 bilyong budget ng Office of the President.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, sapat pa rin ang inirekomendang pondo para sa pagpapatakbo ng gobyerno, kabilang ang pagtugon sa mga kalamidad, paghahatid ng serbisyo publiko, pagmonitor sa mga planong pang-ekonomiya at pagprotekta sa pambansang interes.
Ipinaliwanag ni Recto na bunsod ang malaking pagbawas sa budget ng streamlining sa operasyon ng 49 delivery units ng Office of the President, gayundin ng pagkumpleto sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.
Tiniyak naman ng kalihim na magiging produktibo at may positibong resulta ang bawat polisiya, pulong, pakikisalamuha at official mission ng Pangulo, partikular sa paglikha ng trabaho at pamumuhunan, pagpapalakas ng pambansang seguridad, pagpapahusay ng serbisyo publiko at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.
Sinabi rin ni Recto na nananatiling abala ang schedule ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil tuloy-tuloy ang pangangasiwa at pagpapatakbo nito sa pamahalaan.











