Naglaan ang gobyerno ng P3.44 bilyon para sa cash gifts ng mga kwalipikadong senior citizen sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Representative Marcelino Libanan, kabilang sa budget ang P10,000 cash gift para sa mga kwalipikadong octogenarian at nonagenarian, at P100,000 para sa mga centenarian.
Mas mataas ito ng P140 milyon kumpara sa P3.3 bilyong inilaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Ayon kay Libanan, nakatuon ang Kongreso sa paglalaan ng sapat na pondo upang matiyak ang patuloy na pagbibigay ng cash gifts sa mga kwalipikadong matatandang Pilipino alinsunod sa Expanded Centenarians Act.
Hinimok din ng mambabatas ang mga pamilya na irehistro online ang kanilang mga nakatatandang miyembro sa National Commission of Senior Citizens o NCSC sa pamamagitan ng Elderly Database Management System upang mapadali ang pagkuha ng cash benefits.
Sinimulan na rin ng NCSC ang malawakang pamamahagi ng P10,000 cash gift sa mga Pilipinong umabot na sa edad na 80, 85, 90 at 95, gayundin ang P100,000 cash gift para sa mga centenarian.
Samantala, sinabi ng NCSC na hanggang Agosto 26 ay nakapaglabas na ito ng mahigit P1.9 bilyong cash benefits para sa 179,529 octogenarian, nonagenarian at centenarian.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng Expanded Centenarians Act of 2024 o Republic Act 11982.











