Iginiit ng isang abogado na maaaring hindi pabor sa panig ng prosecution ang testimonya ng ilang testigong tinuturing nitong hostile witness sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, President and Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nitong mahalagang tingnan kung ano talaga ang nais patunayan ng prosecution sa kanilang pagtatanong sa mga testigo.
Ayon kay Atty. Inton, kabilang sa mga binibigyang-diin ng prosecution ang paggamit umano ng mga alias sa mga dokumento kaugnay sa confidential funds.
Gayunman, sinabi niyang iba ang isang taong gumagamit ng alias sa isang taong sinasabing hindi talaga umiiral.
Aniya, hindi rin sapat na basehan ang kawalan ng birth, marriage o death certificate sa Philippine Statistics Authority upang agad na sabihing hindi umiiral ang isang tao.
Samantala, sinabi rin ni Atty. Inton na kailangan ding tingnan ang timeline ng paglipat at paggamit ng confidential funds, partikular ang halagang P125 milyon na sinasabing nagastos sa loob lamang ng 11 araw.
Tungkol naman sa testimonya ni Gina Acosta, sinabi ni Inton na nagpahayag lamang umano ito batay sa kaniyang personal na nalalaman at hindi nakita ang ilang bagay na ipinapakita sa impeachment trial.
Aniya, nasa prosecution kung paano nito ilalabas sa pagsusuri ang testimonya ng mga naturang witness at kung ano ang nais nitong patunayan.
Sa ngayon, sinabi ni Atty. Inton na kinakailangan pang hintayin ang kabuuang paglalahad ng ebidensya at testimonya ng prosecution upang matukoy kung gaano kabigat ang mga ito sa kanilang kaso.











