Muling naghain ng mga kaso ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH, kaugnay sa umano’y maanomalyang ₱77-milyong flood control project sa Balagtas, Bulacan.
Sa opisyal na pahayag ng Ombudsman, kinumpirma nito ang pagsasampa ng mga kaso matapos matukoy na may probable cause laban sa dating mambabatas at iba pang mga sangkot.
Kabilang sa mga isinampang kaso ang paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin ang Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents.
Nag-ugat ang mga kaso sa alegasyong pagkakasangkot ng mga respondent sa ₱77-milyong flood control project na isinagawa sa Balagtas, Bulacan.
Samantala, bagama’t una nang kabilang sa mga nakatakdang kasuhan si dating Public Works Engineer Henry Alcantara, hindi na ito isinama sa mga isinampang kaso dahil nasa ilalim na siya ng Witness Protection Program.











