--Ads--

Muling tututukan ng House prosecution panel ang paggamit ng ₱112.5 milyon na confidential funds ng Department of Education o DepEd sa pagharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga testigong nakatakdang iharap ng prosecution sa Senate impeachment court si Edward Fajarda, dating special disbursing officer o SDO ng DepEd noong kalihim pa ng ahensya si Duterte.

Si Fajarda ang nag-withdraw ng naturang confidential funds na ginastos umano sa unang tatlong quarter ng 2023.

Naantala ang kanyang pagharap sa impeachment court matapos siyang makaranas ng stroke bago ang orihinal na schedule ng kanyang testimonya. Matapos ma-certify ng medical personnel ng Senado ang kanyang kondisyon, binigyan siya ng dalawang linggong pahinga.

--Ads--

Inaasahang haharap si Fajarda sa impeachment court sa Setyembre 7 o 8.

Samantala, ipinatawag din ng prosecution ang ilang opisyal ng militar na inaasahang magbibigay-linaw sa Youth Leadership Summit na binanggit sa mga dokumento ng DepEd sa Commission on Audit bilang bahagi ng paliwanag sa paggamit ng confidential funds.

Kasama rin sa mga ipinatawag si dating DepEd chief of staff at spokesperson Atty. Michael Wesley Poa, na nagsisilbi na ngayong abogado ni Duterte.