--Ads--

Maituturing umanong generally peaceful ang bayan ng Cordon, Isabela dahil sa patuloy na anti-criminality checkpoints ng mga kapulisan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Nemicio Gallano, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, sinabi nito na malaking bahagi rin ng kapayapaan sa naturang bayan ang maigting na ugnayan ng mga kapulisan sa komunidad.

Pagdating sa mga insidenteng naitatala, pinakamadalas umano ang road crash incidents dahil sa maluwang na kalsada at dami ng mga sasakyang dumadaan sa national highway na nasasakupan ng Cordon lalo na at ito ang isa sa mga gateway papasok ng lalawigan ng Isabela.

Batay sa datos ng PNP, mula Enero 2026 hanggang ngayong buwan ng Agosto ay mayroon nang naitalang 74 na aksidente sa daan, mas mataas ito kung ikukumpara sa 24 vehicular accident na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

--Ads--

Samantala, mayroon ding mga kapulisan na idinedeploy sa lahat ng mga paaralan sa Cordon pangunahin na tuwing pasukan at uwian upang maiwasan ang school violence.

Nakikipag-uganyan din sila sa mnga school administrators upang pag-usapan ang mga security measures gaya na lamang ng pag-iinspeksyon sa gamit ng mga estudyante bago pumasok.

Maliban dito ay nagpapaalala rin sila sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga lecture seminar upang magkaroon sila ng sapat na kamalayan hinggil sa iba’t ibang usapin.

Samantala, nagpapatuloy ang ginagawang pagsugpo ng mga kapulisan sa  ilegal na droga sa bayan ng Cordon.

Mula sa 26 na barangay, lima na ang drug free habang 21 naman ang idineklara nang drug cleared noon pang Hunyo 10, 2022.

Ayon kay PLt. Gallano, kinakailangan nilang ipagpatuloy ang pagsasagawa ng intelligence monitoring lalo na at ang bayan ng Cordon ay napapagitnaan ng Lungsod ng Santiago, lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.

Dahil dito ay hindi umano sila nagpapakampante nang sa ganoon ay hindi  na lumaganap pa lalo ang ilegal na droga sa kanilang bayan.

Sa ngayon ay kasakuluyan nang pinoproseso ang pagdedeklara bilang drug-cleared municipality ang bayan ng Cordon.