--Ads--

Nakapagtala ng mga kaso ng sakit sa mga alagang hayop ang City Veterinary Office ng Cauayan City sa gitna ng pabago-bagong panahon at nararanasang El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Veterinarian Dr. Ronald Dalauidao, sinabi nitong kabilang sa mga pangunahing naitatalang sakit sa mga hayop pangsakahan ngayon ang Bovine Ephemeral Fever o mas kilala bilang Three-Day Sickness.

Ayon kay Dalauidao, iniuugnay ang paglitaw ng naturang sakit sa matinding init ng panahon na sinusundan ng biglaang pag-ulan, na maaaring magpahina sa resistensya ng mga hayop at magpalaganap ng mga insektong nagdadala ng virus.

Kabilang sa mga sintomas nito ang panghihina, lagnat at kawalan ng ganang kumain, na karaniwang nararanasan ng mga hayop sa loob ng tatlong araw.

--Ads--

Bagamat kadalasang bumubuti rin ang kondisyon ng mga hayop matapos ang naturang panahon, iginiit ng beterinaryo na mahalaga pa rin ang wastong paggabay at agarang paggamot upang maiwasan ang paglala ng kanilang kondisyon at iba pang komplikasyon.

Dahil dito, hinikayat niya ang mga livestock raiser na agad na makipag-ugnayan o magtungo sa City Veterinary Office upang makakuha ng libreng gamot at bitamina para sa kanilang mga alagang hayop.

Samantala, pinaalalahanan din ng tanggapan ang mga magsasaka at livestock raiser na tiyaking may sapat na lilim at maayos na kulungan ang kanilang mga alaga.

Hindi rin dapat hayaang nakatali o nakabilad sa ilalim ng matinding sikat ng araw ang mga hayop upang maiwasan ang heat stress at iba pang sakit na maaaring makaapekto sa produksyon at magdulot ng pagkalugi.