Arestado ang isang 38-anyos na lalaki matapos umano niyang pagsasaksakin ang kanyang 56-anyos na stepfather kasunod ng kanilang pagtatalo sa Barangay District 2, Cauayan City.
Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, naganap ang insidente habang nag-iinuman ang suspek at ang kanyang stepfather sa kanilang bahay.
Nagsimula umano ang pagtatalo nang igiit ng suspek na komprontahin ang isang barangay kagawad kaugnay ng dati nilang alitan. Sinubukan naman umano siyang pigilan at pakalmahin ng kanyang stepfather at Ina dahil siya ay nakainom.
Sinabihan din umano siya nitong tumigil dahil wala itong alam sa naturang alitan at upang hindi na lumala ang sitwasyon. Gayunman, nagalit umano ang suspek sa sinabi ng kanyang stepfather hanggang sa mauwi sa pisikal na komprontasyon.
Sa gitna ng kanilang pag-aaway, kumuha umano ng kutsilyo ang suspek mula sa kusina at ilang ulit na sinaksak ang biktima. Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa kaliwa at kanang bahagi ng ibabang likod at sa sacral area.
Agad naman siyang isinugod sa isang pagamutan para sa kaukulang pagpapagamot. Matapos ang pananaksak, tumakas umano ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng pulisya, katuwang ang mga opisyal ng Barangay District 2, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng Cauayan City Police ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso. Tinukoy ng pulisya ang insidente bilang frustrated homicide.











