--Ads--

Aabot sa 3,786 barangay sa buong bansa ang tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau o MGB na maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa Tropical Depression Pilandok at Habagat.

Batay sa MGB, sakop ng geohazard warning ang mga naturang barangay mula Agosto 30 hanggang Setyembre 2, batay sa 72-hour rainfall forecast ng PAGASA.

Pinakamarami sa mga lugar na posibleng maapektuhan ay nasa Ilocos Region na may 2,235 barangay, habang 718 naman sa Central Luzon, 617 sa Cordillera Administrative Region, 107 sa Cagayan Valley, 87 sa MIMAROPA at 22 sa CALABARZON.

Pinapayuhan ng MGB ang mga residente sa mga tinukoy na lugar, maging ang mga nakatira malapit dito at sa mga lugar na downstream, na manatiling mapagbantay at magsagawa ng kaukulang pag-iingat bunsod ng posibilidad ng matinding pag-ulan.

--Ads--

Ayon sa ahensya, nakabatay ang pagtukoy sa mga lugar na nasa panganib sa pagsasama ng rainfall forecast ng PAGASA, rain-induced landslide at flooding susceptibility maps ng MGB, at opisyal na barangay boundaries mula sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang Tropical Depression Pilandok, na nananatili sa Philippine Sea silangan ng Extreme Northern Luzon.

Patuloy din namang nakaaapekto ang Habagat sa Luzon at western section ng Visayas, na nagdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan.