--Ads--

Patay ang isang construction worker matapos makuryente habang nagtatrabaho sa isang construction site sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Henry Obligacion, foreman ng construction workers, sinabi niyang bandang alas-8 ng umaga nang mangyari ang insidente matapos nilang iakyat ang mga yero na bahagi ng kanilang ginagawa.

Ayon kay Obligacion, lima silang magkakasamang nag-aakyat ng materyales nang hindi umano nila napansin na may kasamahan silang may hawak na tubo na malapit sa live wire.

Bagama’t napagpaalalahanan na umano ang mga manggagawa na mag-ingat dahil may kable ng kuryente sa lugar, hindi pa rin naiwasan ang insidente nang tumama ang hawak na tubo ng biktima sa live wire.

--Ads--

Agad namang humingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima sa rescue team.
Nang puntahan ng foreman ang biktima, nakita na lamang niya itong nakahandusay at agad na isinugod sa pagamutan.

Ayon pa kay Obligacion, bago pa lamang umano nagtatrabaho sa kanilang grupo ang biktima at ilang araw pa lamang itong sumasama sa kanilang construction work.

Samantala, sinabi niyang patuloy nilang paiigtingin ang pag-iingat sa construction site, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga linya ng kuryente, upang maiwasan ang katulad na insidente.