Nagpatupad ang Jordan ng mas mahigpit na air-defense measures sa paligid ng mga military facilities nito matapos targetin ng Iran ng missile strikes ang mga base na ginagamit ng mga puwersa ng Estados Unidos sa naturang bansa.
Ayon sa Jordanian Armed Forces, walong missile mula Iran ang na-intercept matapos pumasok sa airspace ng Jordan. Wala namang naitalang panibagong pagkasawi sa mga tinarget na base ng U.S.
Kabilang sa mga pinuntirya ng Iran ang King Hussein Air Base at Muwaffaq Salti Air Base sa Al-Azraq, na parehong ginagamit ng U.S. military.
Nananatiling mataas ang alerto ng Jordan at Estados Unidos dahil sa banta ng Iran na tutugon ito sa anumang panibagong pag-atake ng Amerika.
Ang pinakahuling palitan ng pag-atake ay kasunod ng pagsalakay ng U.S. sa mga Iranian rocket launcher sa Larak Island, na matatagpuan sa Strait of Hormuz.
Patuloy namang binabantayan ang sitwasyon sa paligid ng mga base habang nananatiling nakaantabay ang mga air-defense forces sa rehiyon laban sa posibleng panibagong missile at drone attacks.











