--Ads--

Arestado ang isang 28-anyos na negosyante matapos umanong bumunot ng baril kasunod ng gulo sa isang club sa Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang suspek ay residente ng Barangay Cataguing, San Mariano, Isabela, na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, nagtungo umano ang suspek kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang club, kung saan sila ay uminom bago nagpasiyang umalis.

Gayunman, nauwi umano sa komprontasyon ang sitwasyon matapos maging agresibo ang suspek sa isang live-in partner ng isang backhoe operator na sinasabing sumigaw at tumingin sa direksyon nito habang nasa labas ng establisyimento.

--Ads--

Nauwi umano sa suntukan ang komprontasyon nang suntukin ng suspek sa mukha ang isang bouncer ng club na nagtangkang umawat sa dalawa at pakalmahin ang sitwasyon.

Sa halip na tuluyang humupa ang tensyon, nagtungo umano ang suspek sa kanyang sasakyan at kumuha ng baril.

Dahil dito, agad na humingi ng saklolo ang saksi sa mga awtoridad.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at inaresto ang naturang suspek.

Nasamsam mula sa kanyang pag-iingat ang isang .38 caliber Smith & Wesson revolver, Armscor 202, gayundin ang anim na bala na nakita umano sa loob ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, hindi rin umano nakapagpakita ang suspek ng kaukulang dokumento para sa naturang baril.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek, gayundin ang mga nakumpiskang ebidensya, para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon.

Inihahanda na rin umano ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek dahil sa alarm and scandal at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Samantala, sinubukan namang kapanayamin ng Bombo Radyo News team ang suspek subalit hindi na ito nagbigay pa ng anumang pahayag hinggil sa insidente.