Nagkaroon ng pagtatalo at palitan ng argumento ang mga abogado ng prosecution at defense team sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Iniharap ng prosecution panel bilang hostile witness si Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ng depensa, upang tanungin hinggil sa kanyang naging papel at nalalaman sa confidential funds ng Department of Education o DepEd noong kalihim pa ng kagawaran si Duterte.
Madalas namang umalma si Atty. Shiela Sison sa mga tanong ni Atty. Benjamin Tolosa kay Poa, partikular sa mga leading question. Ayon kay Sison, ang ilan sa mga tanong ay unnecessary, argumentative, irrelevant at vague.
Dahil dito, hiniling ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang pang-unawa at pasensya ng magkabilang panig, lalo’t tatlong abogado ang nagpapalitan ng argumento sa paglilitis.
Samantala, idineklara ng Senate Impeachment Court bilang hostile witness si Atty. Michael Poa, dating opisyal ng DepEd at kasalukuyang miyembro ng defense team ni VP Duterte.
Sa ruling ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero, pinayagan ang prosecution na gumamit ng leading questions sa pagtatanong kay Poa kaugnay ng umano’y iregularidad sa ₱112.5 milyong DepEd confidential funds.
Uminit ang pagdinig nang tawagin ni private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. si Poa na “abogadong walang alam,” na tinutulan naman ng defense lawyer na si Atty. Sheila Sison.
Ipinaliwanag ni Tolosa na wala siyang intensyong mang-insulto at humingi ng paumanhin. Kalaunan, iniutos ni Escudero na alisin sa official record ang naturang pahayag dahil hindi umano ito magalang.
Sa pagdinig, kinumpirma ni Poa na siya ang tumugon sa Audit Observation Memorandum o AOM ng Commission on Audit o COA noong Pebrero 1, 2024, na may kaugnayan sa liquidation reports ng DepEd para sa unang at ikalawang quarter ng 2023.
Gayunman, aminado si Poa na wala siyang personal na kaalaman kung paano ginamit o ginastos ang confidential funds ng DepEd.










