--Ads--

Muling namataan ang maraming pulis sa community barricade sa Barangay Paquet, Kasibu, Nueva Vizcaya, na ikinabahala ng mga grupong tumututol sa pagmimina sa lugar.

Sa inilabas na pahayag, nanawagan ang grupo sa Philippine National Police (PNP) na iwasang maulit ang umano’y nangyaring insidente sa Barangay Bitnong, kung saan hinila, pinosasan at inaresto ang ilang miyembro ng komunidad na nagbabantay sa kanilang lupain laban sa pagmimina.

Binigyang-diin ng grupo na karapatan ng mga residente ng Paquet at iba pang apektadong komunidad na magpahayag ng kanilang pagtutol at mapayapang ipagtanggol ang kanilang mga lupain, kabuhayan, pinagkukunan ng tubig at kapaligiran.

Hinimok din nila ang kapulisan na pairalin ang pagpipigil, igalang ang karapatang pantao at iwasan ang anumang pananakot, panggigipit o hindi kinakailangang pag-aresto sa mga residente.

--Ads--

Giit ng grupo, tungkulin ng pulisya na protektahan ang mamamayan at hindi takutin ang mga ito habang ipinaglalaban ang kanilang mga lupain at kinabukasan.

Samantala iginiit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, inatasan lamang ang kanilang mga tauhan na umalalay sa mga sheriff ng korte sa pagpapatupad ng kautusang inilabas ng Regional Trial Court sa Bambang, Nueva Vizcaya noong Oktubre 27, 2026.

Nag-ugat ang kaso sa Civil Case No. 1640-26J na inihain ng North Luzon Mineral Resources Corporation at Bugkalot Confederation of Nueva Vizcaya, Quirino and Aurora, Incorporated laban kina Florentino Daynos, Anthony Glenn Guingayan, Jun-Jun Culhi, Alfredo Pahalon at iba pa.

Tiniyak naman ng NVPPO na inatasan ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance, propesyonalismo at paggalang sa mga karapatang konstitusyonal habang isinasagawa ang kautusan ng korte.