--Ads--

Bumaba ng 11.7% ang panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027, na itinakda sa P785.204 milyon mula sa P889.236 milyong appropriated budget nito ngayong taon.

Ayon sa OVP, gagamitin ang pondo para sa patuloy na paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa kabuuang budget, P220.232 milyon ang para sa Personnel Services, P561.651 milyon para sa MOOE, at P3.321 milyon para sa Capital Outlay. May awtomatiko ring P15.544 milyon para sa retirement at insurance premiums ng mga plantilla personnel.

Kabilang sa mga popondohan ang MagNegosyo Ta ‘Day, Pagbabago Campaign, Disaster Operations, R.I.I.C.E. Food Bags, Libreng Sakay, KALUSUGAN Food Truck, wheelchair distribution at iba pang assistance programs.

--Ads--

Sa MOOE, P193.103 milyon ang nakalaan para sa procurement ng mga produkto at livelihood assistance grants, kabilang ang mga serbisyong nakatuon sa mga indibidwal, pamilya, commuters, learners at komunidad.

Samantala, iniulat ng OVP na nasa 43.07% ang obligation rate nito para sa 2026 budget as of June 30, lampas sa 41% target ng ahensya.

Ayon sa tanggapan, mananatili itong nakatuon sa maingat at responsableng paggamit ng pondo ng bayan upang matiyak na mapupunta ito sa mahahalagang serbisyo at programang makatutulong sa mga Pilipino.