--Ads--

Kinumpirma ni OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na buong nagastos ang ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ipinakita ng prosecution kay Ortonio ang liquidation report na nagpapatunay na na-disburse ang buong ₱125 milyon mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Ang naturang pondo ay hiniling at inilaan para sa buong fourth quarter ng 2022 o mula Oktubre hanggang Disyembre.

Sinubukan ng private prosecutor na si Atty. Mae Divinagracia na linawin kung dapat sana ay naipamahagi ang paggastos sa loob ng tatlong buwan, ngunit umapela ang depensa dahil anila, nakabatay lamang ito sa isang palagay at hindi ito sinabi mismo ni Ortonio.

--Ads--

Pumanig si Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero sa depensa at pinabago kay Divinagracia ang kaniyang tanong.

Gayunman, kinumpirma ni Ortonio na ang good governance at socio-economic programs na nakapaloob sa Program Expenditure Plans o PFPs ay mga umbrella program na binubuo ng iba’t ibang aktibidad na nakaiskedyul sa buong taon, kabilang ang Oktubre, Nobyembre at Disyembre.

Kinumpirma rin niya na ang ₱125 milyon ay inilaan para sa fourth quarter para sa mga aktibidad sa ilalim ng good governance program.

Nakialam din si Escudero at tinanong si Ortonio kung bakit kinailangang gastusin ang buong pondo sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre.

Ayon kay Escudero, ang appropriations sa ilalim ng General Appropriations Act o GAA ay maaaring gamitin sa loob ng dalawang taon.

Ipinaliwanag naman ni Ortonio na ang kahilingan para sa naturang pondo ay ginawa para sa partikular na taong 2022 at ang plano ay nakatuon sa mga aktibidad para sa huling quarter ng taon.

Ilang ulit ding nilinaw ni Ortonio na hindi siya bahagi ng paghahanda ng PFP at hindi niya kayang magsalita tungkol sa mga detalye ng pagpapatupad ng naturang plano.