--Ads--

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapalawak sa tulong pinansyal ng pamahalaan para sa mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps.

Sa ilalim ng Republic Act 12325, o batas na nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, maaari nang makatanggap ng ayuda ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante sa mga prayoridad na kurso, kabilang ang mga nag-aaral sa pribadong kolehiyo at technical-vocational institutions.

Saklaw din ng batas ang tulong para sa internship, professional licensure, at mga allowance para sa mga estudyanteng may kapansanan.

Itinatag din nito ang Private Education Assistance Program para sa mga disadvantaged student at inaatasan ang pamahalaan na suriin at i-adjust ang mga educational grant kada dalawang taon batay sa inflation at pagbabago sa gastos sa edukasyon.

--Ads--

Ayon sa Commission on Higher Education, makikipagtulungan ito sa mga kaukulang ahensya upang matiyak na mapupunta ang benepisyo sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.