--Ads--

Nabigong humarap bilang testigo ng prosekusyon sa ika-22 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer Edward Fajarda.

Ayon kay House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua, nakatanggap ang prosekusyon ng liham mula kay Fajarda kung saan nakasaad ang rekomendasyon ng kanyang doktor na magpahinga siya ng 30 araw matapos ma-stroke.

Dahil dito, ipinrisinta na lamang ni private prosecutor Atty. Rey Robles ang mga dokumentong may kaugnayan kay Fajarda, kabilang ang kanyang appointment papers, cash withdrawal records, fund transfers, at iba pang dokumentong may kaugnayan sa confidential funds na nilagdaan ni Vice President Duterte.

Ayon kay Robles, mahalaga ang papel ni Fajarda sa paggamit ng ₱112.5 milyong confidential funds ng DepEd noong panahong kalihim pa ng ahensya si Duterte.

--Ads--

Samantala, humarap bilang testigo ng prosekusyon si Philippine Statistics Authority Assistant National Statistician Marizza B. Grande.

Tinalakay ni Grande ang mga pangalan na nakasaad sa confidential fund liquidation documents, kung saan lumitaw na maraming pangalan ang walang katumbas na rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa database ng PSA. May ilan din umanong lumabas na menor de edad, sanggol, o mga indibidwal na patay na.

Ayon kay Grande, 1,287 sa mga naturang pangalan ay mula sa Office of the Vice President habang 398 naman ay mula sa DepEd.

Inihayag din niya na may ilang pangalang hindi karaniwan ang pagkakabuo, kabilang ang Mary Grace Piattos, Arthur Baon, Ralph Josh Bacon, Beverly Claire Pampano, Mathew Keso, Tomas Panda, Timon Angelo Pusa, at Tina Maching.